Kinukundena ng Partido Akbayan ang hatol ng hukuman ng Manila sa kasong cyber libel kay Maria Ressa at Rey Santos Jr.

"Muling inabuso ng pamahalaan ang batas para busalan ang mga malayang namamahayag," sabi ni Etta Rosales, chairperson emeritus ng Akbayan.

 

Ayon kay Rosales, maraming beses nang inatake ng pamahalaaan ang Rappler. Dalawang beses nang ikinulong si Maria Ressa noong 2018 at 2019, parehong dahil sa kasong libel. Tinanggal si Pia Ranada bilang taga-ulat ng Rappler sa Malacañang na walang klarong dahilan. Noong 2018 sinubukang ipasara ang Rappler dahil tinangkang pinagmamay-ari ito ng dayuhang kumpanya.

"Ito ang pangatlong beses na ikukulong si Maria Ressa para sa kanyang pamamahayag ng katotohanan. Wala nang duda na binubully ng pamahalaan ang Rappler bilang bahagi ng midyang malaya," sabi ni Rosales.

Sinabi ni Rosales na bahagi din ito ng kampanya ni Duterte laban sa midya. Sa iba't ibang pahayag niya, binantaan niya ang Rappler, ABS-CBN, at CNN Philippines. Noong nakaraang buwan, pinasara ang operasyon ng ABS-CBN dahil lumipas na ang prangkisa nila.

"Sa pamamahayag na makatwiran, mura at pananakot ang sagot niya. Sa pamamahayag na makatotohanan, busal at posas ang sagot nila. Galawan ito ng gobyernong takot sa kritisismo, kaya't kumakapit ito sa kapangyarihan nya," ika ni Rosales.

"Ang desisyon ng korte ay malinaw na hakbang upang wasakin ang halaga ng midyang malaya at demokrasya at paglehitimo sa pagyurak sa mga ito. Mamamahayag man o netizen na gumagamit ng social media para sa kanyang saloobin, dapat malaya tayong maibahagi ang katotohanan. Hindi maaaring mawala ang ating kalayaan sa pamamahayag at pananalita sapagkat ito ang kaibuturan ng pagiging bansang malaya," sabi ni Rosales.

Ayon kay Rosales, layunin ng pamahalaan na mapasailalim ang tatlong sangay nito sa iisang awtoriataryan na pamumuno. Parehong Anti-Terror Bill at ang hatol ng korte kay Ressa ay nananakot at nagpapatahimik ng sambayanan, at lalong pinapalakas ang kapangyarihan ng ehekutibo.

Sabi ni Rosales na dapat tiyakin ang papel ng midya sa paglunas sa mga mas matimbang na isyu tulad ng krisis ng COVID-19. Walang binibigay na dagdag ayuda sa pamilyang Pilipino ang kaso kay Maria Ressa. Ngunit mahalaga ang mga institusyon tulad ng Rappler sa pagkalat ng mahalagang impormasyon.

Tuloy ni Rosales, "kung akala ni Duterte na mapapatigil ang pagkilos ng sambayanan sa pananakot, mali sila. Ngunit salungat sa kanilang maitim na layunin, mas lalo itong magiging dahilan na kumilos at magprotesta sa panunupil ng pamahalaan. Lalong lumalakas ang alab ng namumulat na taumbayan na ipagtanggol ang karapatang maging malayang Pilipino sa isang malayang bayan!"