Paano mo malalaman kung natataranta na ang gobyerno? Maglalabasan na ang fake news! Muling nabuhay ang paratang laban kay Sen. Risa Hontiveros ukol sa katiwalian sa PhilHealth. Ngunit tulad ng dati, kasinungalingan lamang ito upang busalan ang boses ng oposisyon sa pamahalaan.

Mismong PhilHealth at COA ang nagsabi na walang kinalaman si Sen. Risa sa anumang kaso ng katiwalian sa PhilHealth. Hindi kasama si Sen. Risa sa ilegal na bonuses noong 2013, dahil naging board member lamang siya noong 2014-2015. Bilang board member, wala rin siyang staff o opisina na mabibigyan ng anumang bonus. Sa oras nga niya sa Philhealth, matapang na napanagot ni Sen Risa ang mga kurap na eye clinics na pinagkakitaan ang mga seniors. Mas lalong hindi siya kasama sa sinasabing pangungurakot noong 2017 dahil Senador na sya noon. Sino pa ba ang maniniwala sa mga trolls? Hindi nga ata sila marunong magbasa ng kalendaryo!

Gaano man karami ang lumabas na factcheck, pinipilit pa rin ang mga walang basehang paratang na ito. Patunay ito ng paggamit ng fake news upang manirang-puri at umatake sa mga kritiko ng administrasyon. Ang paulit ulit na fake news laban kay Sen. Risa ay di magbabaliktad ng kanyang dedikasyon na ipaglaban ang interes ng mamamayan sa malalang sitwasyon natin sa ngayon. Hindi nito mabubura ang kapalpakan ng gobyerno sa pagharap sa krisis.

Hindi natin kailangan ng fake news kung kailan pinakamataas sa Southeast Asia ang bilang ng kaso sa Pilipinas at lubhang paghina ng GDP natin. Huwag tayo magpaloko; balikan ang totoong isyu ng pandemya.