Wala nang atrasan, Duque! Magresign ka na!

Kaisa ang Partido Akbayan sa pagkundena sa mga tunay na kurakot sa loob ng PhilHealth. Bilang myembro ng PhilHealth board mula 2001, kasabwat si Duque sa mga kaso ng katiwalian na naganap sa loob ng institusyon.

 

Sa kabuuan, nakatanggap ang PhilHealth ng 8 na kaso sa COA habang nasa board si Duque. Ayon sa COA audit reports sa taong 2004, 2008, 2009, 2012, 2013, at 2018, umaabot sa P7.043 bilyong piso ang "labis na paggastos" ng PhilHealth. Bilang DOH Secretary simula 2017, lantaran ang katiwalian sa institusyon. Nirenta ng PhilHealth noong 2017 ang lupa ng Educational and Medical Development Corporation - na pinagmamay-ari ng mga kapatid ni Duque - para sa Region I office nito. Nagbigay ang DOH ng mga kontrata noong 2017 sa Doctors Pharmaceuticals Inc. - na pinagmamay-ari rin ng mga kapatid ni Duque - para sa paggawa ng mga antibiotic. Ngayong 2020, isang pasilidad sa Davao na may 18 na kama at walang pasyente ng COVID-19 ay nabigyan naman ng P10M mula sa PhilHealth.

Halos dalawang dekada siyang nakaupo sa PhilHealth board, at halos dalawang dekada siyang kasabwat ng katiwalian sa loob ng institusyon. Tutukan natin ang mga tunay na virus sa loob ng PhilHealth: si Duque mismo na nangungurakot ng pera ng bayan. Huwag magpaloko sa mga paratang sa taong tulad ni Sen. Risa Hontiveros; bahagi lamang ito ng patuloy na pagtago ng mga tunay na tiwaling opisyal na ito.

Muling nananawagan ang Partido Akbayan na dapat magresign si Duque bilang DOH Secretary. Sinusuportahan ng partido ang pagpapatuloy ng imbestigasyon tungkol sa PhilHealth. Hangga't wala pang katarungan sa ibinulsang pera ng bayan, hindi tayo pwedeng manahimik sa garapalang pang-aabuso ng kapangyarihan na ito.